Saturday, January 15, 2011

Kagawad sa Davao pumatay ng Kapitana; nagbaril sa sarili


DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Jan. 15, 2011) – Isang konsehal ng barangay sa bayan ng Malita sa Davao del Sur ang nagbaril sa sarili matapos nitong patayin ang kapitana ng naturang lugar sa di-pa mabatid na kadahilan.

Ayon sa mga ulat ay patuloy umano ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen na naganap dakong alas 3 ng hapon nitong Biyernes lamang sa Barangay Demoloc.

Nabatid na binaril diumano ni Kagawad Leobardo Laingo si Kapitana Clara Ballota sa loob mismo ng kanilang Barangay hall.

Matapos umanong mabaril ang Kapitana ay itinutok naman ni Kagawad ang kanyang pistola sa kanyang ulo at saka ito kinalabit. Hindi naman mabatid ang dahilan ng malagim na pangyayari, ngunit ilang angulo umano ang sinisipat ng pulisya ukol sa posibleng motibo ng pagpatay sa Kapitana.

Inaalam rin kung may kinalaman ito sa away o love triangle. Hindi naman agad sinabi ng pulisya kung may mga testigo sa trahedya. Hindi rin nagbigay ng pahayag ang pamilya ng dalawang nasawi. (Mindanao Examiner)


No comments: