Saturday, October 01, 2011

‘Emperador’ Aquino binatikos ng PAL union


MANILA (Mindanao Examiner / Oct. 1, 2011) – Binatikos ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA) si Pangulong Benigno Aquino matapos nitong sabihin na may pananagutan sa batas ang union dahil sa ginawa nitong sit-down strike na ikinaparalisa ng operasyon ng national flag carrier.

Sinabi ni Bong Palad, ang Secretary-General ng PALEA, na mistulang emperador si Aquino sa kanyang pahayag at ni hindi umano nito naiintindihan ang hinaing ng libo-libong empleyado ng Philippine Air Lines (PAL) sa planong job outsourcing nito.

Kagagaling lamang ni Aquino sa Japan na kung saan ay nakipagkita ito kay Emperor Akihito at sa kanyang pagbalik ay agad nitong isinisi sa PALEA ang kanselasyon ng PAL domestic at international flights dahil sa sit-down strike ng mga empleyado.

Tinangka pa ng mga PALEA members na makipag-diyalogo kay Aquino sa Ninoy Aquino International Airport ng ito’y dumating kamakailan, ngunit kinaladkad naman sila ng mga awtoridad palabas ng arrival area.

Mistulang mga basang-sisiw ang mga ito sa pagkakabitbit sa kanila ng mga airport security. Itinanggi rin ni Palad ang akusasyon ng PAL na inabandona nila ang mga trabaho at sinabing tinanggalan sila ng employees’ code ng mga opisyal kung kaya’t hindi na makapagtrabaho at kinaladkad silang lahat palayo sa mga workstations.

“Kinaladkad ang mga empleyado palabas, nakita naman yun. It was not a walkout,” ani Palad sa media.

Nitong Setyembre 29 ay sinabi ng PAL na may mamamahala na sa ground operations nito dahil may nakuha ng mga outsourced employees ang flag carrier. Naunang sinabi umano ng PAL na aalisin sa trabaho ang mga empleyado nitong Setyembre 27 upang magbigay daan sa kontraktwalisasyon at job outsourcing.

Sinabi ni PAL President Jaime Bautista na sinabotahe ng PALEA ang operasyon ng flag carrier. Nakiusap rin umano ang PAL sa PALEA na huwag mag strike ngunit bigo rin umano sila.

“Nung umaga ng illegal strike, basta na lang sila tumigil. Nagkaroon ng mahabang pila. Nakikiusap kami, pero nakaupo lang sila duon,” wika pa ni Bautista at sinabing nasa $10 milyon ang lugi ng PAL sa naganap na strike at apektado nito ang mahigit sa 200 flights. (Mindanao Examiner)

No comments: