Sunday, December 03, 2006

Libro Para Sa Mahihirap Ipamumudmod Sa Zamboanga

ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / 03 Dec) - Siguradong matutuwa ang mga street children at batang pulubi sa Zamboanga City matapos na makatanggap ang Mindanao Examiner ng dalawang malalaking kahon ng children's book upang ipamahagi sa mga mahihirap.
Galing sa The Asia Foundation ang mga libro at ibinigay ito sa hiling na rin ng Mindanao Examiner (http://mindanaoexaminer.com) na pinatatakbo ng mga manunulat sa Mindanao.
May humanitarian program kasi ang Mindanao Examiner para sa mga maralita sa ibat-ibang panig ng rehiyon at ito rin ang isa sa dalawang media partner ng Asia Foundation sa katimugan.
"Nagpapasalamat kami sa mabuting hangarin ng Asia Foundation dahil nagbigyan ng maraming libro ang Mindanao Examiner upang ipamahagi sa mga bata sa lansangan at maralita at sa gayun ay matulungan natin silang matuto sa araw-araw nilang pakikibaka sa mundo ng karihapan," ani Maritess Fernandez, ang tumatayong publisher ng Mindanao Examiner.
Si Mr Rey Ocampo, ng Asia Foundation, ang siyang nagpadala ng mga libro, wika pa ni Fernandez. Naunang nabigyan ng libro ng Asia Foundation at Mindanao Examiner ang Lumbangan Elementary School nitong taon lamang.
Ang Barangay Lumbangan na kung saan ay naroon ang tambakan ng basurahan ng Zamboanga City ang siyang naging daan upang maitatag ang Mindanao Examiner at maging instrumento sa pagtulong sa mga mahihirap. Doon makikita ang maraming mga bata na napilitang tumitgil sa pagaaral upang mamulot ng basura at makatulong sa pagpapakain sa kanilang pamilya.
Umapela rin si Fernandez ng tulong mula sa mga malalaking kumpanya sa bansa, partikular ang mga food companies, upang madagdagan ang mga kaligayahan ng mga pulubi sa Mindanao.
Bukod sa The Asia Foundation ay nangako na rin sa Mindanao Examiner ng 500 kilong bigas si Sharif Ibrahim Ajibul Mohammad Pulalun, ang Sultan ng Sulu at North Borneo, para sa mga mahihirap na batang Muslim at Kristiyano sa darating na pasko. May isa rin foundation si Pulalun sa Mindanao na ang tanging layunin ay tumulong sa mga mahihirap.(Mindanao Examiner)

No comments: