MANILA (Mindanao Examiner / 13 Mar) – Lima umanong miyembro ng rebeldeng New People's Army (NPA) ang pinaniniwalaang sugatan kasunod ng pakikipagsagupa sa militar sa lalawigan ng Catanduanes.
Nabatid kanina kay Army spokesman Major Ernesto Torres, Jr. na tangay sa pagtakas ng kapwa mga gerilya ang naturang mga sugatan batay na rin sa pahayag ng mga testigong residente.
Isang amasona naman ang nadakip ng militar na isinasailalim na sa interohasyon ng militar.
Dakong alas-11:30 ng umaga kamakalawa ng maka-engkuwentro ng 65th Infantry Battalion ang tinatayang 20 rebelde sa bisinidad ng Sitio San Isidro, Barangay Mayngaway sa bayan ng San Andres sa naturang lalawigan.
Tumagal ng isang oras ang sagupaan sa pagitan ng mga tropa at komunistang pinamumunuan ng isang alyas Ka Waren.
Narekober sa lugar ng insidente ang dalawang M16 rifle, isang carbine, mga dokumento at personal na kagamitan. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment