MANILA (Mindanao Examiner / 08 Mar) – Walang balak ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na agarang sundin ang atas ng Pangulong Gloria Arroyo na tapusin ang inilulunsad na community development training ng mga sundalo sa Metro Manila.
Sinabi kanina ni AFP National Capital Region Command Chief Major General Mahommad Ben Dolorfino, walang anumang pormal na direktibang nagpipigil sa militar na ipagpatuloy ang mga programa nito sa mga barangay. Kung tutuusin aniya, sinimulan pa kanina ng NCRCom ang walong engineering projects nito sa Caloocan City.
Hindi rin maitakda ng AFP kung kailan tatapusin ang mga training at proyekto nito sa Kalakhang Maynila na posibleng abutin pa kahit tapos na ang eleksyon. Samantala, itinatanggi ni Public Information Office (PIO) Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro na may planong magamit sa dayaan sa May elections ang militar kung kayat maaagang nakadeploy ito kahit sa urban areas.
Wala aniyang basehan ang hinala ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino na muling masasangkot ang AFP sa pagmamaniobra ng eleksyon tulad ng nangyari noong 2004.
"Yan ay isang allegation, but time will bear us out na hindi gagawin ng mga kasundaluhan natin yan," diin ni Bacarro sa panayam ng Mindanao Examiner. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment