MANILA (Mindanao Examiner / 11 Apr) – Umamin na sa pagkakasala ang tinatayang 54 na miyembro ng Magdalo group na nakisangkot sa nabigong kudeta noong Hulyo 2003.
Ngunit, tiyak na ang paglaya ng mga ito sa Enero 27 ng susunod na taon.
Kasunod ito ng pag-apruba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) General Court Martial (GCM) sa pinasok na plea bargaining agreement ng kampo ng mga batang opisyal ng militar upang mapagaang ang kakaharaping sentensya.
Sa desisyon ng military court, ginawaran ang mga akusado ng parusang pagkakakulong ng pitong taon at anim na buwan at dishonorable dismissal na nangangahulugang walang matatanggap na benepisyo ang mga ito.
"After confidential deliberation and in chamber and upon secret balloting, declares upon unanimous vote that the accused are hereby adjudged guilty beyond reasonable doubt of violations of Articles of War 97," ayon kay Colonel Ana Escarlan, law member ng military court.
Gayunman, itinuring na "deemed served" na ang halos apat na taong nakulong ang Magdalo officers at nabawasan rin ng tig-isang taong pagkakapiit ang bawat "mitigating circumstances" tulad ng naging agarang pagsuko ng mga matapos ang mutiny, pagpasok sa plea bargaining at ang matagal na pagkakakulong.
Sa pagdinig kanina, pinalitan ng mga mutineer ang kanilang guilty plea sa paglabag sa Article of War 97 (conduct prejudicial to good order and military discipline) na may pinakamababang parusa.
Kapalit nito ang pagbasura sa iba pang kasong paglabag sa Articles of War 67 (mutiny), 63 (disrespect to the President), 64 (disrespect towards superior officer), at 96 (conduct unbecoming an officer and a gentleman).
Pito naman na kasama ng 54 ay tumangging makisali sa plea bargain.
Hindi kabilang sa naturang grupo ang mga itinuturing na 29 core leaders ng naunsyaming Oakwood mutiny.Pinagtibay rin sa pagdinig ang pagpapalaya sa apat na junior officer na inirekomenda ng Army Special Adjudication Board na madismis dahil sa kawalan ng sapat na batayan upang madiin ang mga ito sa mga kaso.
Kabilang sa dito sina First Lieutenants Edmund Bandilla at Marcelino Mendoza, at Second Lieutenants Gerald Daen at Percival Alcanar.
Samantala, mariing naman itinanggi ngayon ni AFP Echief Hermogenes Esperon ang umano'y panunuyo nito sa isang coup plotter upang maging testigo kapalit ng pagpapalaya.
Ayon kay Esperon, walang isinasagawang negosasyon upang mapabaligtad si Army Captain Dante Langkit.
"I was hoping that was that they approached me for but I don't think I should be making a deal with him as it turns out now he can make up stories so you ask him what he heard from me," ani Esperon.
Una nang inihayag ng kapatid ni Captain Langkit na si Danzel na inalok umano sila ni Colonel Daniel Lucero, ang executive assistant ni Esperon, na makakalaya kung magiging testigo laban sa mga nakisangkot sa bigong kudeta noong Pebrero ng nakalipas na taon.
"I was not able to talk to the brother of Capt. Langkit so he is free to make up his own stories," dagdag ni Esperon.
Kasabay nito, kinatwiranan din ni Esperon ang hindi pagpigil sa paghahain ng certificate of candidacy ni Langkit bilang kongresista ng Kalinga province bagamat hindi nito inaprubahan ang paglabas ng piitan ng junior officer. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment