Thursday, April 12, 2007

Magdalo Boys, May Tulog Pa Rin Kahit Umamin Sa Sala

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 12 Apr) – Nakadepende pa rin kina Armed Forces chief General Hermogenes Esperon at Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung ano ang magiging pinal na hatol kasunod ng pag-amin sa kasalanan ng may 54 Oakwood mutineers.

Sa Enero ng susunod na taon ay nakakasa nang makalaya ang naturang junior officers matapos na pumasok sa plea bargaining agreement at naghain ng guilty plea upang mapagaan ang sentensya.

Ayon kanina kay AFP Public Information Office Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro, maaaring patagalin o padaliin na rin ng AFP Chief ang pagpapatupad ng parusa sa mga batang opisyal ng militar.

Katwiran nito, si Esperon ang tumatayang convening authority ng General Court Martial na may kapangyarihang ungkatin ang sentensya bagamat hindi na mababaligtad ang guilty verdict sa mutineers.

"The usual procedure is that the convening authority will review the recommendations of the court martial. He can't change the verdict but he will examine if the procedures were followed and if the punishment imposed is commensurate to the offense committed or within the bounds of the punishment system of the AFP," ayon kay Bacarro sa isang pulong balitaan.

Ang naturang 54 officers ay kabilang sa 300 sundalong miyembro ng Magdalo na nakisangkot sa bigong kudeta noong Hulyo 27, 2003 na kamakailan ay hinatulan ng pitong taon at anim na buwang pagkakakulong ngunit nabawasan na rin dahil sa pagsisilbi sa piitan at mitigating circumstances. (Juley Reyes)

No comments: