Friday, June 01, 2007

Pulisya, Humingi Ng Paumanhin Sa Dinakip Na Pastor!

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 01 June) - Humingi ngayon ng paumnahin si Philippine National Police Chief Director General Oscar Calderon para sa anumang naging kapalpakan ng mga tauhan nitong nagsagawa ng pag-aresto kay Pastor Berlin Guererro ng United Church of Christ in the Philippines.

Kasunod ito ng pakikipagpulong ni Calderon at mga opisyal ng pambansang pulisya sa pamunuan ng UCCP upang malinawan ang insidente ng pagdakip sa miyembro nitong nakatalaga sa Binan, Laguna.

Tiniyak pa ni Calderon na hindi nito palalampasin at sasampahan ng kaso sakaling matukoy na umabuso ang pulisya o ang tauhan ng Naval Intelligence Security Forces na dumampot sa pari.

"I apologize for whatever lapses our people in the field might have committed. This matter is being looked into and we will file cases against those who will be found guilty," ani Calderon.

Nilinaw ni Calderon na ang Philippine Navy ang umaresto kay Guererro noong Linggo at dinala sa Cavite Provincial Police Office kinabukasan.

Sa alegasyong pambubugbog, sinabi ni Calderon na sumailalim na sa medical examination si Pastor Berlin at nasa ligtas rin ang kalusugan nito.

Siniguro pa ng PNP Chief sa UCCP ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa grupo sa sandaling magkaroon ng pag-arestong muli sa sinumang miyembro nito.

Nahaharap umano sa bintang na pagpatay ang pastor na sinasabing may koneksyon sa New People’s Army. Mariing itinanggi naman ito ng pastor at ng kanyang pamilya. (Juley Reyes)

No comments: