Friday, June 01, 2007

Special Seaborne Forces, Muling Binuhay Ng Philippine Army

MANILA (Mindanao Examiner / 1 June) – Muling binuhay ng Philippine Army ang Special Forces nito na may kakayahang pandagat at inihahanda na para sumabak sa giyera sa Mindanao laban sa mga teroristang Abu Sayyaf Group at Jemaah Islamiyah.

Napag-alaman kay Special Forces Commander Brigadier General Arturo Ortiz na muling kikilos ang 12th Special Forces Company (Riverrine) sa huling bahagi ng taon sa sandaling matapos na ang retraining ng mga ito.

Una na ring na-reactivate ang 8th at 11th companies ng nasabing elite force noong nakaraang taon.

Ang Philippine Army ang tatanggap ng 28 hi-speed airboats buhat sa Australia bilang bahagi ng defense cooperation agreement sa nasabing bansa.

Sinabi ni Army spokesman Lieutenant Colonel Ernesto Torres Jr. na darating ang unang batch ng airboats bago matapos ang taon.

Sa inisyal na plano, ayon kay Torres, dalawang kumpanya ng water-borne troops o tinatayang 300 sundalo ang unang isasabak sa Mindanao.

Naniniwala pa ang opisyal sa pangangailangang magtalaga ng espesyal na yunit ng militar na tutugis sa mga kalaban sa karagatan.

Problema ng militar ang malawak at masukal na tubig sa Liguasan Marsh sa Central Mindanao na pinamumugaran ng mga terorista.

Ipinagdiwang rin kahapon ang ika-11 anibersaryo ng Special Operations Command (Socom), na binubuo ng elite Army units kabilang ang Special Forces, Frst Scout Ranger Regiment (FSRR) at ang sinanay ng Amerika na Light Reaction Battalion. (Juley Reyes)

No comments: