Friday, June 06, 2008

Bihag Na Parak Ng NPA, Pinalaya!

DAVAO CITY (Mindanao Examiner / June 6, 2008) – Pinalaya ng New People’s Army ang isang parak na kanilang itinuring na prisoner of war matapos na umapela diumano ang mga magulang at pamilya nito sa Davao Oriental province sa Mindanao.

Si PO1 Ruel Valmores, naka-destino sa bayan ng Boston, ay pinakawalan kamakalawa, dalawang araw matapos itong mabihag ng mga rebelde habang patungo sa isang court hearing.

Ang kasamahan nitong si Insp. Jonel Belenson, hepe ng pulisya sa naturang bayan, ay napatay naman ng magtangkang tumakas nuong Hunyo 3 sa isang NPA checkpoint sa Baranagay Kabasagan sa bayan ng Baganga.

Lubos naman ang pasasalamat ni Valmores sa mga rebelde sa pagpapalaya nito sa kanya.

Sinabi sa Mindanao Examiner ni Valmores na maganda ang pagtrato ng mga rebelde sa kanya at hindi siya sinaktan ng mga ito. Agad naman na isinasalang sa "debriefing" si Valmores upang mabatid kung ano ang naging karanasan nito sa kamay ng mga rebelde.

Bihag pa rin ng NPA ang isa pang sundalo na si Army M/Sgt. Jose Manero na dinukot nuong Mayo 11. Ang biktima ay kapatid ni ex-convict Norbero Manero, na dating lider ng mga Ilaga na siyang lumaban noon sa NPA sa Mindanao.

Sinampahan na ng kaso ng mga awtoridad ang NPA, partikular si Leonardo Pitao alias Commander Parago, na itinuturong nasa likod ng pagdukot kay Manero sa isang banana plantation sa Calinan district sa Davao City.

Si Norberto Manero ang siyang pumatay kay Italian priest Tullio Favali nuong Abril 1985 sa bayan ng Tulunan sa North Cotabato. Sinasabing kinain pa ni Manero ang utak ng misyonaryo na walang awang pinatay matapos na diumano’y mapagtripan habang pauwi sakay ng kanyang motorsiklo. (Romy Bwaga)

No comments: