COTABATO CITY – Todo ang suporta ng mga alkalde at gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao sa muling pagtakbo ni ARMM Gov. Zaldy Ampatuan.
Bilang chairman ng national Lakas directorate, pinili ni Pangulong Gloria Arroyo si Ampatuan bilang standard bearer ng administrasyon sa ARMM elections sa Agosto 11. Anim na lalawigan ang sakop ng ARMM at halos lahat ng mga opisyal nito ay nangakong susuportahan ang kandidatura ni Ampatuan.
Sinabi naman ni Sulu Gov. Sakur Tan, isa sa mga pinakama-impluwensyang kaalyado ni Ampatuan, na tiyak na ang panalo ng dating alkalde ng Maguindanao dahil sa laki ng suportang tinatanggap nito.
Ipinangako na ni Tan kay Ampatuan na ikakampanya nito ng husto sa Sulu ang ticket ng administrasyon. Katuwang ni Ampatuan si incumbent ARMM Vice Gov. Ansaruddin Adiong.
Si Tan rin ang madalas tawagan at kausapin ni Ampatuan ukol sa mga proyekto sa First at Second Districts ng Sulu dahil sa malinis na record at walang bahid ng anomalya ang gobernador.
Inamin ni Tan na malaki ang tulong na ibinibigay ni Ampatuan sa dalawang congressional districts sa Sulu. Ngunit ayon naman sa ibang mga alkalde sa Sulu ay may mga proyekto sina Tan at Ampatuan na inaako ng iba upang palabasin na sila ay nasa likod ng mga ito.
Isang malaking hamon din ang pahayag ng Pangulong Arroyo kay Ampatuan na pangunahan ang administration ticket bilang "vanguards of peace" at frontliners sa kampanya ng pamahalaan laban sa kahirapan sa autonomous region. Kanya rin itong inatasang magbuo ng isang peace offensive plan na mayroon malawak ng oportunidad para sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga residente ng ARMM.
Bukod kay Ampatuan ay 6 na iba pa ang tatakbo sa halalan bilang ARMM governor. (Mindanao Examiner at dagdag na ulat mula sa Philippine Information Agency)
No comments:
Post a Comment