ZAMBOANGA, Philippines (Mindanao Examiner / July 11, 2010) – Patuloy ang karahasan sa Zamboanga sa kabila ng dami ng pulis at sundalong nagpapatrulya sa lungsod na binansagang Asia’s Latin City.
Ito’y matapos na iulat ng ABS-CBN na dalawang granada ang sumabog sa Barangay Talon-Talon at Barangay Mampang na kung saan ay isang katao ang nasugatan sa atakeng naganap nitong Sabado lamang.
Hindi naman makapagbigay ng ulat ang pulisya at sinasabing patuloy ang imbestigasyon sa naturang atake. At kung maitatago sa media ang mga patayan at krimen ay pilit itong itatago ng mga opisyal upang palabasin na tahimik ang Zamboanga sa kabila ng maraming insidente ng pamamaril.
At mula nitong Enero ay mahigit na sa 100 ang naging biktima ng pamamaril at Zamboanga City na ang siyang may pinakamataas na istatistiko sa buong Western Mindanao.
Karamihan sa mga patayan ay kagagawan ng mga gun-for-hire, subali’t madalas na idahilan ng mga awtoridad ay family feud o atraso ang dahilan nito.
Mistulang may template naman ang pulisya sa kanilang imbestigasyon – kung magandang lalaki o babae ang napatay ay agad sasabihing “love triangle” ang posibleng dahilan, at kung mayaman naman ang biktima ay tiyak na “business rivalry” naman ang motibo nito; o kung Muslim ang napatay ay tiyak na “rido” o away-pamilya ang sanhi naman nito.
Karamihan sa mga napatay sa Zamboanga ay hindi pa rin nareresolba. Binansagang Asia’s Latin City ang Zamboanga dahil sa diyalekto nitong Chabacano na may halong Espanyol dahil sa impluwensya ng Espanya halos mahigit sa 100 taon na ang nakaraan. (Mindanao Examiner)
Sunday, July 11, 2010
Karahasan sa Zambo, patuloy pa rin!
Labels:
ABS-CBN,
Asia's Latin City,
Krimen,
Zamboanga City
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment