Tuesday, September 28, 2010

Car boy, isinabit sa nakawan sa ina ni Jinky Pacquiao

GENERAL SANTOS CITY (Mindanao Examiner / Sept. 28, 2010) – Sasampahan umano ng pulisya ng kaso ang isang “watch-your-car” boy matapos na umano’y malimas ang laman ng kotse ng pamilya ni Jinky Pacquiao sa General Santos City sa Mindanao.

Ayon sa pulisya ay inihahanda na nito ang kaso laban sa suspek na nakilalang si Ali Kirama na hinihinalang may kinalaman sa nakawan.

Nabatid na naganap ang nakawan nuong Linggo ng gabi habang nasa simbahan ang ina ni Jinky na si Rosalina Jamora at iba pang mga kasamahang.

Nagulat na lamang ito ng bumalik at makitang basag na ang bintana ng sasakyan at nawala na rin ang mahahalagang gamit, kabilang ang mga alahas at mamahaling bag na Louis Vitton.

Itinanggi naman ni Kirama ang akusasyon at sinabing wala itong alam sa nakawan.

Hindi naman agad makunan ng pahayag si Jinky, na asawa ni boxing superstar Manny Pacquiao ukol sa naganap sa ina, ngunit madalas ang nakawan sa mga sasakyan sa General Santos City na kung saan ay may mga negosyo ang mag-asawang Pacquiao. (Mindanao Examiner)

No comments: