Showing posts with label Rep. Teddy Casino. Show all posts
Showing posts with label Rep. Teddy Casino. Show all posts

Thursday, May 10, 2007

Bayan Muna Congressman, Isinabit Sa Kaso!

MANILA (Mindanao Examiner / 10 May) – Nakahanda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tulungan ang Philippine National Police (PNP) sa paglalatag ng mga ebidensya hinggil sa diumano'y pagkakanlong ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino sa isang hinihinalang rebelde at kriminal.

Nabatid kay Army Spokesman Lieutenant Colonel Ernesto Torres, Jr. na kinasuhan na ng Philippine National Police sa Leyte si Casino at ang isang Teodoro Dacera ng obstruction of apprehension and prosecution of criminal offenders o ang PD 1892 sa Ormoc City Prosecutor's Office.
Magunitang kasama ni Casino ang isang sinasabing lider ng New People's Army (NPA) na si Vincent Borja nang isilbi ang warrant of arrest laban dito bunsod ng mga diumano’y kaso ng pagpatay, rebelyon at attempted destruction of property.
Iginiit umano ni Casino na mapalaya si Borja dahil isa lamang itong tagasuporta ng kanilang party list group. Binansagan umanong “high profile” ni Casino si Borja.
Dinampot ng magkasanib na puwersa ng 19th Infantry Battalion at Ormoc City Police Office ang naturang suspek sa bahay ni Dacera habang nagsasagawa ng campaign staff meeting kasama si Casino.
Positibo ang militar na aktibong miyembro ng NPA si Borja at ito ay batay na rin sa rekord na hawak ng militar at pulisya.
Sinabi naman ni AFP Chief of Staff General Hermogenes ESperon, Jr. na naturang lamang na itanggi ni Casino na hindi kriminal o rebelde si Borja sapagkat huling-huli ito sa aktong magkasama sila.
Unang nagbanta si Casino na sasampahan ng kaso ang mga arresting teams dahil ilegal umano ang pagkakaaresto kay Borja. Itinanggi ni Casino na rebelde ang naturang campaigner ng militanteng Bayan Muna. (Juley Reyes)

Tuesday, May 08, 2007

Bayan Muna Magsasampa Ng Kaso Kontra Militar!

MANILA (Mindanao Examiner / 08 May) – Sasampahan umano ng kaso ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino ang militar kaugnay sa pagkaka-aresto ng mga sundalo sa isang suporter nito na pinagbintangan lider ng rebeldeng New People's Army (NPA) sa lalawigan ng Leyte.

Dinampot ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Army at Philippine National Police ang isang hinihinalang lider habang nakikipagpulong kay Casino kagabi sa Leyte.

Kasabay nito'y pinag-aaralan na rin ng militar kung anong kasong kriminal ang maaaring maisampa laban sa kongresista dahil sa pagkakahuling kasama ng isang wanted criminal at rebelde.

Nabatid kay Army spokesman Lieutenant Colonel Ernesto Torres, Jr., na dakong alas-8:30 ng gabi nang salakayin ng mga elemento ng 19th Infantry Battalion at Ormoc provincial police office ang kinaroroonan ng suspek na si Vincent "Bebot" Borja, 36, at residente ng Barangay Lao sa Ormoc City.

Isinilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban kay Borja dahil sa dalawang kasong pagpatay.

Pinaniniwalaang kabilang si Borja sa grupo ng mga rebeldeng kumikilos at nanabotahe sa lalawigan.

Kasama ng suspek si Casino nang arestuhin ng mga awtoridad sa Barangay Linao.Inimbitahan na rin ng pulisya at militar ang kongresista upang alamin ang kaugnayan nito sa isang rebeldeng miyembro.

Una nang ibinunyag ng Armed Forces of the Philippines ang kaugnayan o sabwatan ng mga komunista sa ilang militanteng kongresista at party list groups tulad ni Rep. Satur Ocampo at Casino.

Kanina ay sinabi ni Casino na narining nito na pinalaya na diumano ang dinampot at dahil sa naganap ay magsasampa ito ng asunto sa Armed Forces at Commission on Elections laban sa mga sundalo. “Hindi naming palalampasin ito at maghahain kami ng reklamo sa AFP at Comelec,” ani Casino.

Itinanggi ni Casino na lider ng NPA ang dinakip na suporter. (Juley Reyes)

Monday, March 05, 2007

Bomba, Bala; Posters, Kalendaryo Ng Bayan Nasamsam Sa Lugar Ng NPA

MANILA (Mindanao Examiner / 05 Mar) IBAT-IBANG poster at kalendaryo ng Bayan Muna party list group ang nasamsam ng militar kasunod ng pakikipag-engkuwentro sa mga hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) sa Toril, Davao City.

Nabatid ngayong araw kay kay Army spokesman Major Ernesto Torres, Jr. na nakasagupa ng mga elemento ng 73rd Infantry Battalion ang mga rebelde sa ilalim ng isang kumander Bobby sa bisinidad ng Barangay Eden sa naturang lalawigan.

Bukod sa mga campaign materials ng Bayan Muna, nakuha rin ng mga sundalo sa lugar ng insidente ang 52 rounds ng bala para sa M60, dalawang improvised landmines at mga subersibong dokumento.

Kasunod nito, hinamon ng opisyal ang liderato ng gerilyang grupo na patunayang wala itong kaunayan sa sinumang politiko.

"Following the report, we challenge the NPA leadership to prove that they are in no way associated with any political group who is running for elections in May," ani Torres sa Mindanao Examiner.

Mahigit sa 100 piraso ng kalendaryo na may larawan nina Reps. Satur Ocampo, Joel Virador at Teddy Casino at mga poster na humihikayat ng pagboto ang nakuha ng militar buhat sa mga rebelde.

Dalawang sundalo rin ang napatay kasunod ng sagupaan na nakilalang sina Staff Sergeant Conrado Nequiaz at Cafgu member at dating rebelde na si Gary Lopez.

Tatlo naman sa panig ng komunistang grupo ang napaslang bagamat nabigong marekober ng tropa ng pamahalaan ang mga labi nito. (Juley Reyes)