Monday, March 05, 2007

Bomba, Bala; Posters, Kalendaryo Ng Bayan Nasamsam Sa Lugar Ng NPA

MANILA (Mindanao Examiner / 05 Mar) IBAT-IBANG poster at kalendaryo ng Bayan Muna party list group ang nasamsam ng militar kasunod ng pakikipag-engkuwentro sa mga hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) sa Toril, Davao City.

Nabatid ngayong araw kay kay Army spokesman Major Ernesto Torres, Jr. na nakasagupa ng mga elemento ng 73rd Infantry Battalion ang mga rebelde sa ilalim ng isang kumander Bobby sa bisinidad ng Barangay Eden sa naturang lalawigan.

Bukod sa mga campaign materials ng Bayan Muna, nakuha rin ng mga sundalo sa lugar ng insidente ang 52 rounds ng bala para sa M60, dalawang improvised landmines at mga subersibong dokumento.

Kasunod nito, hinamon ng opisyal ang liderato ng gerilyang grupo na patunayang wala itong kaunayan sa sinumang politiko.

"Following the report, we challenge the NPA leadership to prove that they are in no way associated with any political group who is running for elections in May," ani Torres sa Mindanao Examiner.

Mahigit sa 100 piraso ng kalendaryo na may larawan nina Reps. Satur Ocampo, Joel Virador at Teddy Casino at mga poster na humihikayat ng pagboto ang nakuha ng militar buhat sa mga rebelde.

Dalawang sundalo rin ang napatay kasunod ng sagupaan na nakilalang sina Staff Sergeant Conrado Nequiaz at Cafgu member at dating rebelde na si Gary Lopez.

Tatlo naman sa panig ng komunistang grupo ang napaslang bagamat nabigong marekober ng tropa ng pamahalaan ang mga labi nito. (Juley Reyes)

No comments: