PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / 01 Apr) – Alarmado ngayon ang mga mamamayan sa bayan ng Dumalinao sa Zamboanga del Sur matapos na dumagsa doon ang mga sundalo at nagtayo ng mga detachments sa ibat-ibang lugar.
Wala umanong koordinasyon sa mga lokal na opisyal at barangay ang biglang pagsulputan ng mga tropa ng Philippine Army. Mistulang under martial law diumano ang nasabing bayan.
Sinabi naman sa Abante ni Major General Nehemias Pajarito, commander ng 1st Infantry Division sa lalawigan, na bahagi lamang ng internal security operations ang deployment ng mga sundalo sa Dumalinao.
“ISO lamang yan at walang ng ibang dahilan. Purpose kasi ng internal security operations eh to prevent ang pagkalat ng mga private armies ng kung sinon-sino, especially ngayon parating na ang halalan,” ani Pajarito sa pahayagang Mindanao Examiner.
Ito rin ang sinabi sa Abante ni Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Eugenio Cedo. “ISO yun ating deployment sa Zamboanga del Sur at hindi lang naman sa Dumalinao yan eh, maging other areas sa probinsya ay ganoon rin. (Para sa) Security ng mga tao iyan,” wika ni Cedo.
Ngunit iba ang naamoy ng mga opisyal ng pamahalaan sa Dumalinao. May pakiramdam umano ang mga opisyal na may pinoprotektahan an pulitiko sa lalawigan ang mga tropa.
Dahil dito ay isang emergency peace and order council meeting ang ipinatawag ng Municipal Board ngayon Lunes upang alamin ang mga reklamo ng mamamayan. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment