Tuesday, August 17, 2010

Lolo, inutas sa saksak ng bebot sa Bulacan

BULACAN (Mindanao Examiner / Agosto 17, 2010) - Patay matapos pagsasaksakin sa loob mismo ng kanyang kuarto ang isang 74-anyos na lolo sa Barangay San Pedro sa bayan ng Hagonoy sa Bulacan province.

Sinabi ng pulisya na naganap ang krimen nitong Lunes lamang. Ayon naman sa kapatid ng biktima na si Romeo Mendoza, Sr. at pamangking si Romeo Mendoza Jr., ay bandang alas-4 ng madaling araw ay humingi ng saklolo sa kanila ang kasera na si Perpetua Caparaz at ipinaalam na nasaksak ang biktima.

Nakalabas pa ng bahay ang biktima at humingi ng saklolo upang isugod siya sa ospital ngunit binawian din ng buhay sa dami ng tinamong saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Habang naghahabol umano ito ng hininga ay sinasambit ang pangalang "Virginia" na diumano'y sumaksak sa kanya.

Ayon kay PO3 Nino Yang, police investigator, sa Malolos, ay sumuko naman ang suspek na kanyang kinilala na si Virginia Lopez, 25 anyos, dalaga, at residente ng Barangay San Agustin sa nasabing bayan.

Batay sa impormasyon, bagong magkakilala pa lamang ang suspek at ang biktima na kung minsan ay nakikita pang magka-akbay. Sa katunayan ay bago nangyari ang krimen ay magkainuman pa ang suspek at ang biktima hanggang madaling araw.

Nagpapautang umano ng pera ang biktima at hanggang sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon kung ninakawan pa ang biktima ng salapi. Hindi pa mabatid ang motibo ng kirmen, ngunit ayon sa mga kaanak ng biktima ay posibleng hindi pinautang ng matanda ang suspek kung kaya't ito ay pinaslang. (Dino Balabo)

No comments: