ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Jan. 17, 2011) – Lumalakas ang ugong sa balak na pagpasok ng maimpluwensyang Jalosjos clan sa pulitika sa Zamboanga City na kung saan ay malaki ang mga tagasunod ng kilalang pamilya sa Mindanao.
Malaki rin ang suporta ng mga gobernador at mayors sa Western Mindanao sa mga Jalosjos na ngayon ay may hawak ng pulitika sa Zamboanga del Norte.
May mga ari-arian sa Zamboanga City at iba pang lugar sa western Mindanao ang mga Jalosjos at inaasahang ang pasok ng mga ito sa lokal na pulitika ay posibleng makatibag sa kasalukuyan alkalde na si Celso Lobregat na matagal ng namumuno sa Zamboanga – mula bilang congressman at mayor at congressman na naman sa 2013.
May ugong rin na sasabak ang kapatid ni Lobregat na si Jomar sa halalan sa Zamboanga City bilang alkalde o congressman rin dahil dalawa ang distrito dito.
Tatakbo rin umano bilang alkalde si Congressman Erico Fabian at posibleng pati si Congresswoman Maria Isabelle Climaco. Si Fabian at Lobregat ay nasa huling termino na. Pare-parehong kaalyado ang tatlo, subali't kanya-kanyang diskarte na magiging labanan ng mga ito sa 2013.
Marami ang pabor sa mga Jalosjos at inaasahang magiging maiinit ang halalan sa pagitan ng mga Jalosjos at Lobregat dahil parehong milyornaryo ang dalawang pamilya. Ngayon pa lamang ay ilang mga pulitiko sa Zamboanga City ang sinasabing nasa kampo na ng mga Jalosjos.
Ang mga Jalosjos ang nasa likod na maraming development projects sa Zamboanga del Norte, partikular sa Dapitan at Dipolog cities. Naglagay rin ang mga ito ng malaking hotel, fantasy land at ang world-renowned Dakak beach resort and hotel at iba pang mga tourism project.
Ang Zamboanga del Norte ang isa sa mga pinakatahimik na lugar sa Mindanao. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment