Friday, August 12, 2011

OFWs pinagiingat sa pangakong trabaho sa Spain


MANILA, Philippines (Mindanao Examiner / Aug. 12, 2011) – Nagbabala ang Department of Labor and Employment sa mga Pinoy na nagnanais na magtrabaho sa Spain na kung saan ay maraming overseas Filipino workers (OFW) ang nahihirapan dahil sa kawalan ng sapat na hanap-buhay doon.

Sinabi mismo ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na huwag basta maniniwala sa mga taong magsasabi na may naghihintay na magandang trabaho sa Spain at wala umano itong katotohanan.

“The prospects for the employment of migrants in Spain is not good, so Filipinos who may be eyeing work in Spain should not believe any information saying otherwise,” babala pa nito.

Nagpadala rin umano ng ulat sa kanya si Philippine Labor Attaché to Spain Ramon Tionloc Jr. at sinabi nito na maraming mga Pinoy ang walang trabaho doon.

Karamihan umano sa mga OFWs sa Spain ay nagtatrabaho sa mga bars, restaurants, at hotels, ngunit apektado rin ang mga ito dahil bagsak ang industriya ng turismo doon mula pa nuong 2009.

Pumalo na rin sa 21.3% ang unemployment rate sa Spain sa unang tatlong buwan nitong taon at siyang pinakamataas ngayon sa buong European Union.

“I would, therefore, advise OFWs to be wary of offers of employment in Spain, particularly in construction, real estate, and manufacturing. Migrant workers in these sectors are mostly Latin Americans so much so that Asians, such as Filipinos, may find hard to get any employed in those sectors,” wika pa ni Baldoz.

Hinimok rin ni Baldoz ang mga OFWs na alamin sa DOLE o Spanish Embassy ang anumang alok na trabaho sa Spain upang masigurong hindi sila madedenggoy ng mga recruiters. (Mindanao Examiner)

No comments: