Sunday, October 02, 2011

‘Big Three’ humanda na kayo!


MANILA (Mindanao Examiner / Oct. 2, 2011) – Dahil sa sa tila pare-parehong istilo ng mga oil firms sa bansa sa kanilang walang humpay na pagtataas ng presyo ng langis sa bansa ay ipinag-utos ngayon ng pamahalaang Aquino na sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na halukayin ang mga libro ng mga oil firms.

Mismong si Pangulong Benigno Aquino ang nagbigay ng kautusan sa BIR na busisiin maiigi ang mga libro ng binansagang “Big Three” – ang Petron Corporation, Pilipinas Shell at Chevron Corporation.

Ilang ulit ng inakusahan ng iba’t-ibang transport groups ang naturang mga kumpanya na umano’y talamak sa kanilang pagtataas ng presyo ng mga oil products. Kadalasan ay mahigit piso ang itinataas nito sa halos linggo-linggo, ngunit kung madalang naman kung mag-rollback ng presyo ay hindi umabot ito sa halagang piso at kalimita’y 20 sentimo hanggang 30 sentimo lamang ito, at muling susundan ng pisong pagtaas muli.

Nais malaman ng Pangulo kung nagbabayad ba ng sapat na buwis ang mga nasabing kumpanya. Karamihan sa kanilang mga gasolinahan ay hindi rin nagbibigay ng resibo.

Ipinag-utos pa ni Aquino na repasuhin ng Department of Justice, Department of Energy at Department of Finance ang mga kumpanya.

“The impression, rightly or wrongly, is they take turns as to who announces price hikes. At the end of the day, there seems to be equalization among the three major players and even the new players. There's a spread between the new players and the old players,” pahayag pa ni Aquino.

Maging ang Senado ay natotorete na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga oil products at nagpapatawag na rin ng sariling imbestigasyon sa Big Three. Naghain na rin ng resolusyon si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano upang imbestigahan ang mga libro ng mga oil firms. (J. Magtanggol)

No comments: