Saturday, October 01, 2011

P100M OFW legal defense fund naibalik na!


MANILA (Mindanao Examiner / Oct. 1, 2011) – Sa wakas ay ibinalik na ng pamahalaang Aquino ang P100-milyong Legal Assistance Fund (LAF) na dating nakalaan para sa mga overseas Filipino workers.

Ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang siyang namamahala ng naturang pondo at pasok na ito sa 2012 General Appropriations Act. Kinumpirma naman ito sa Mindanao Examiner ni House Assistant Majority Leader Eduardo Gullas.

“We are counting on the LAF to extend ample legal protection to the growing number of OFWs coming into conflict with the law in their respective host countries,” pahayag pa ni Gullas, na miyembro ng House Committee on Appropriations.

“As more Filipinos go abroad to seek greener pastures, those getting into potential trouble with the law will also likely increase. The LAF is there to be used exclusively to support their legal defense,” dagdag pa nito.

Nabatid pa na P50 milyon ng pondo ng LAF ay manggagaling sa Contingency Fund ni Pangulong Benigno Aquino; P30 milyon naman mula sa Presidential Social Fund, at ang natitirang P20 milyon ay sa Overseas Workers Welfare Administration naman kukunin.

Magagamit umano ang pondo bilang kabayaran sa mga professional fees ng mga dayuhan abogado na magtatanggol sa mga OFWs na nahaharap sa ibat-ibang kaso, gayun rin upang pang-piyansa sa mga nakapiit at iba pang gastusin.

Matatandaan na nuong 2010 ay tinapyasan ni Aquino ang LAF ng mahigit sa kalahati na ikinaalma naman ng maraming mga OFWs at ibat-ibang grupo na tumutulong sa mga Pinoy workers abroad. Dahil sa kanilang pangungulit at matinding batikos sa Malakanyang ay ibinalik na ito ng Pangulo.

Ayon sa talaan ng pamahalaan ay 1,470,826 OFWs ang lumabas nitong 2010 at 1,422,586 naman nuong 2009. (Mindanao Examiner)

No comments: