Sunday, October 02, 2011

Pinay secretary sa Qatar, natagpuan patay


MANILA (Mindanao Examiner / Oct. 2, 2011) – Isang Pinay overseas worker sa Doha ang natagpuan patay sa loob ng kanyang apartment sa Doha, ayon sa pahayag ng mga manggagawa sa Qatar.

Nakabitay umano si Edilyn Mirasol, 28, ng ito’y matagpuan nitong Setyembre 4, ayon sa grupong Samahan ng mga Migranteng Mangagagawa sa Qatar (SAMMAQA) sa ulat na ipinasa nito kamakailan lamang sa Migrante-Middle East.

“A fellow OFW and flat-mate found her laid back on top of the platform with rope on her neck. The fellow OFW reported to the local police on the same day OFW Edilyn was found dead,” ani Noel Tolentino, ang Secretary-General ng SAMMAQA, sa kanyang pahayag.

Tubong-Tagum City sa Davao del Norte si Mirasol ay isang secretary sa Doha, ngunit hindi pa malinaw kung ito ba ay nagpatiwakal o pinatay. At ang masakit pa nito ay dinakip ng pulisya ang isa sa apat na Pinoy workers na nagsumbong sa mga awtoridad ukol sa pagpanaw ni Mirasol.

Ang Pinoy umano ang huling nakita na kasama ni Mirasol bago ito natagpuang patay. Hindi naman pinangalanan ng grupo ang naturang Pinoy.

Nabatid pang ginulpi diumano ng pulisya ang Pinoy habang iniimbestigahan ito kaugnay sa kaso ni Mirasol. Pinagsusupetsahan umano ng pulisya na may kinalaman ito sa pagpatay.

Humingi na rin ng tulong ang asawa nito sa Center for Overseas Workers sa Davao upang mapawalan ang Pinoy.

“The OFW who reported the incident complained of beating and manhandling by the local police during the investigation,” ani naman ni John Leonard Monterona, ng Migrante.

Iimbestigahan umano ng SAMMAQA at Migrante ang kamatayan ni Mirasol ang ang pagpapahirap sa Pinoy. (J. Magtanggol)

No comments: