Sunday, October 02, 2011

Tabloid ipagbabawal na sa Cebu


MANILA (Mindanao Examiner / Oct. 2, 2011) - Umaani ng matinding batikos mula sa mga newspaper dealers at maging mga publishers ng iba’t-ibang tabloid sa bansa dahil sa panukalang ordinansa sa Cebu province na ipagbawal ang pagbebenta ng mga naturang babasahin.

Ito’y matapos na lantaran umano ang bentahan ng mga tabloid na may mga malalaswang litrato at mga kolumn na ang tanging topic ay sex at iba pa.

Mismong si Cebu Vice Governor Agnes Magpale ang nangunguna sa naturang adbokasiya na suportado naman ng Simbahan. Marami na umanong reklamong natatanggap ang pamahalaan mula sa mga magulang at moralista ukol sa mga ‘bastos’ na babasahin na nakikita ng mga estudyante at menor-de-edad sa mga sidewalk.

Malaki naman ang suporta ng publiko sa naturang panukala, ngunit umaaray naman ang mga newspaper dealers at publishers ng mga tabloid dahil malaki ang mawawala sa kanilang negosyo.

Hinikayat naman ng ibang grupo ang mga publisher na alisin na lamang mga litratong nakahubad at mga kolumn na may kinalaman sa sex, at sa halip ay educational topic na lamang ang ipalit.

Magsasagawa rin ng public hearing ang mga provincial board member ukol sa naturang ordinansa. (Mindanao Examiner)

No comments: