Tuesday, April 03, 2007

Guimaras Oil Spill Victims, Babayaran Na Rin Sa Wakas

CEBU (Mindanao Examiner / 03 Apr) – Makukuha na rin sa wakas ng lahat ng mga naapektuhang mangingisda at residente ng oil spill crisis sa Guimaras ang kompensasyon nito pagkatapos ng Semana Santa.

Nabatid ito ngayon kay Carlos Tan, manager ng Petron Health, Safety and Environment, na aniya'y tinatayang 12,000 fishermen, residente at resort owners ang makakatanggap ng kabayaran mula P630 hanggang P28,000 bawat isa, depende sa bigat ng naging perwisyo sa kanila.

Ang halaga ng kompensasyon ay base sa tatlong buwang nawalan ng oportunidad o kinita ang mga napinsalang residente.

Umaabot sa $330 milyon ang inaprubahang pondo ng International Oil Pollution Compensation (IOPC) para sa kabuuang rehabilitasyon ng oil spill buhat sa lumubog na MT Solar 1.

Tinatayang P110 milyon pa lamang ang paunang naibahahagi sa mga biktima ng oil spill sa Guimaras at ang iba ay nakabitin dahil na rin sa problema sa kuwalipikasyon ng mga ito upang tumanggap.

Samantala, tuluyan na ring natapos ang paghihigop ng 9,000 litro ng nalalabing langis sa karagatan ng Guimaras at Iloilo.

Isusunod na ang huling bahagi ng clean up operations upang tuluyang makabawi ang mga napinsala. (With a report from Juley Reyes)

No comments: