Saturday, April 07, 2007

Zambo Sur, Alarmado Sa Dagsa Ng Tropa!





PAGADIAN CITY – Alarmado ngayon ang mga mamamayan sa bayan ng Dumalinao sa Zamboanga del Sur matapos na dumagsa doon ang mga sundalo at nagtayo ng mga detachments sa ibat-ibang lugar.

Kinumpirma rin ng isang Polish Catholic priest sa Dumalinao ang pagdagsa ng mga sundalo na ikinababahala naman ng maraming mamamayan.

Sinabi ni Fr. Jan Burzawa na lubos ang pagkabahala ng mga tao sa nasabing bayan dahil tahimik naman umano ang lugar.

"There is nothing wrong. The place is peaceful and there is no need to put so many soldiers in the town. The people are apprehensive because the soldiers put up detachments in many areas without the permission of the local officials," ani Fr. Burzawa sa pahayanga Mindanao Examiner.

Maging ang mga barangay officials ay nag-reklamo na rin sa pagdating ng mga sundalo at nagsumbong kay Dumalinao Mayor Eutiquio Famor. Inamin ni Famor na walang pahintulot ang militar na maglagay ng mga outposts sa ibat-ibang barangay.

"Wala nga rin pahintulot iyan paglalagay ng mga detachments mula sa aming tanggapan o Municipal Council. Ni hindi nga humingi ng permiso ang mga iyan ng dumating dito sa Dumalinao at para kaming under martial law dito ngayon, pero idudulog namin ito sa mga kinauukulan at sa Malakanyang kung sakaling magkaroon ng malaking problema ang mga tao dahil sa kanila," wika pa ni Famor sa hiwalay na panayam.

Nagpatawag na rin ng emergency meeting ang lokal na peace and order council at doon ay inilabas lahat ng mga barangay chairmen ang kanilang pagkabalisa sa biglang pagdating ng mga tropa. Natatakot ang karamihan na baka gamitin sa halalan ng ilang mga pulitiko ang sundalo upang masiguro ang kanilang panalo.

Itinanggi naman ito ni Maj. Bienvenido Donguines, ng 53rd Infantry Battalion, at sinabing bahagi lamang ng internal security operations ang deployment ng mga tropa.
"Wala po kaming masamang hangarin kundi ang protektahan ang kasiguruhan ng bawat mamamayan. Narito po kami sahil sa mga ulat na may mga masasamang-loob na nakikita sa inyong bayan. Ang militar po ay neutral at non-partisan at wala po kaming pinapanigan," paliwanag naman ni Donguines.

Isiniwalat naman ng mga ibang opisyal ng barangay na may ilang mga sundalo ang lantarang nagsasabing sinusuportahan nila ang ilang pulitiko sa lalawigan. Agad naman itong pinaiimbestigahan ni Donguines.
Sinabi rin ni Major General Nehemias Pajarito, commander ng 1st Infantry Division sa lalawigan, na bahagi lamang ng internal security operations ang deployment ng mga sundalo sa Dumalinao.

“ISO lamang yan at walang ng ibang dahilan. Purpose kasi ng internal security operations eh to prevent ang pagkalat ng mga private armies ng kung sino-sino, especially ngayon parating na ang halalan,” ani Pajarito.

Ito rin ang sinabi ni Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Eugenio Cedo. “ISO yun ating deployment sa Zamboanga del Sur at hindi lang naman sa Dumalinao yan eh, maging other areas sa probinsya ay ganoon rin. (Para sa) Security ng mga tao iyan,” wika ni Cedo.

Ngunit iba ang naamoy ng mga opisyal ng pamahalaan sa Dumalinao. May pakiramdam umano ang mga opisyal na may pinoprotektahan na pulitiko sa lalawigan ang mga tropa.
Nagbanta naman ang mga opisyales na isusumbong sa media ang anumang paglabag ng mga sundalo at militar sa karapatan ng mamamayan. (mindanaoexaminer.com)

No comments: