Wednesday, January 09, 2008

Arroyo Pumabor Sa Damduhalang Kumpanya: KMU

MAYNILA (Mindanao Examiner / Enero 09, 2008) - Inakusahan kahapon ng militanteng Kilusang Mayo Uno ang pamahalaan na umano'y pumabor sa mga dambuhalang kumpanya ng langis.
Ito'y matapos na bawasan ng administrasyong Arroyo ng isang porsyento ang tariff sa mga oil imports.
"Hindi awtomatikong maibababa ang presyo ng produktong petrolyo, partikular ng diesel, sa desisyon ng gubyernong Macapagal-Arroyo na tanggalan ng isang porsiyento ang tariff o buwis sa mga produktong petrolyo na inaangkat mula sa ibang bansa," ani Prestoline Suyat, tagapagsalita ng KMU, sa pahayag nito sa Mindanao Examiner.
Naunang dineklara ni Arroyo ang pagbaba ng tariff rate sa oil imports mula 3% sa 2% na lamang. "Ang mga dambuhalang kumpanya ng langis tulad ng Shell, Chevron at Petron ang direktang makikinabang lamang dito.
Mismo sa bibig ni PGMA nanggaling na hinihiling pa niya sa mga oil companies na ibaba ang presyo ng diesel dahil sa pagbaba ng oil tariffs."
"Kung may pagbaba man sa presyo ng diesel sa susunod na mga araw, iyon ay dahil may overrprice pa na dapat tayong bawiin na P4.40 mula 2000 hanggang 2007 batay sa kompyutasyon ng IBON Foundation," wika pa ni Suyat.
Sinabi pa ni Suyat na upang tiyak na makikinabang ang taumbayan ang dapat na ginawa ng gubyernong Arroyo ay tanggalin ang 12% na Expanded Value-Added Tax (EVAT) sa mga produktong petrolyo partikular sa diesel.
"Tatlong pisong EVAT ang kinukuha ng gubyernong Arroyo sa bawat litrong diesel na kinokunsumo ng drayber at taumbayan. Kapag tinanggal ito ng pamahalaan, mas malamang na maibaba pa ang pamasahe kaya't bababa rin ang presyo ng pangunahing bilihin kaya't mas maraming mabibili ang mga manggagawa at taumbayan."
"Ngunit hindi nga ito matatanggal ng gubyernong Arroyo dahil lumalabas na sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, nakikinabang din ito ng malaki kasama ang mga dambuhalang kumpanya ng langis," paliwanag pa ni Suyat.
Idinagdag pa ng lider-manggagawa na madali para sa gubyernong Arroyo na mawalan P11Bilyon mula sa sa desisyon nitong ibaba ang tariff rate sa oil imports kumpara sa bilyon-bilyong pisong nakukuha nito sa EVAT mula sa mga produktong petrolyo.
Ayon sa IBON Foundation, 49.2 Bilyon ang nakolektang EVAT ng pamahalaan mula sa mga produktong petrolyo sa kabuuang 76.9 Bilyon nakuha nito sa lahat ng mga produkto noong 2006. (Mindanao Examiner)

No comments: