Wednesday, April 04, 2007

AFP: White Alert Tayo!

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 04 Apr) – Walang nakikitang dahilan ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang magpatupad ng pagtataas ng alerto sa puwersa nito sa buong bansa.

Katwiran ngayon ni AFP Public Information Office Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro, negatibo sa anumang ispesipikong banta sa seguridad ang Metro Manila at ang ibat-ibang bahagi ng Pilipinas.

Kasalukuyang nasa white alert o normal na antas ang alerto ng Sandatahang Lakas.

Gayunman, nasa hurisdiksyon na rin aniya ng mga kumander sa lalawigan kung iaangat ang alert status depende sa sitwasyon ng kanilang nasasakupan.

"Anything can happen. That's why we're studying the situation. If warranted, we will raise the alert," dagdag ni Bacarro.

Sinabi ng opisyal na kontrolado pa rin ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad at kung kakailanganin ang ayuda ng militar ay agaran silang tutugon.

Samantala, hindi rin magpapatupad ng ceasefire o tigil putukan sa New People's Army (NPA) ngayong panahon ng Semana Santa.

Katwiran ni Bacarro, hindi nagpapahinga sa kanilang pananabotahe ang gerilyang kilusan, maging ang teroristang grupo at lalong hindi rin ito rumirespeto sa paggunita ng mga Kristiyano.

Magugunitang noong 2005, panahon ng Mahal na Araw nang madiskubre ng mga awtoridad ang saku-sakong eksplosibo sa Quezon Coty na pinaniniwalaang iniiangatan ng Rajah Solaiman Islamic Movement (RSIM).
(Juley Reyes)

No comments: