Tuesday, April 03, 2007

DND Masama Ang Loob Sa Release Ni Satur Ocampo

MANILA (Mindanao Examiner / 03 Apr) – Naghihimutok si Department of National Defense (DND) Secretary Hermogenes Ebdane Jr. kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na payagang makapagpyansa kanina si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo.

Gayunman ayon kay Ebdane, kahit masama ang loob, wala silang pagpipilian kundi ang sundin ang direktiba ng Kataas-taasang Hukuman.

"We are living in a democracy, while we are not happy with it. We have to abide by the law. When the Supreme Court grants [Ocampo] bail, then so be it," ani Ebdane.

Ngunit, hindi aniya ito nangangahulugan na hihina ang kampanya ng militar laban sa purging activities ng komunistang grupo.

Naniniwala rin si Ebdane na kung tutuusin, hindi ordinaryong krimen ang ginawa ni Ocampo para lang basta palayain.

"It's not an ordinary murder. It's actually tantamount to genocide and is not actually bailable… There were some defects in the filing, these will becorrected anyway," ayon sa kalihim.

Nababahala lamang si Ebdane na magawang makatakas palabas ng Pilipinas at magtago si Ocampo dahil sa pagpipyansa nito.

Kumpyansa naman si AFP Public Information Office (PIO) Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro na matibay ang mga ebidensya ng militar at may mga testigo rin silang positibong magtuturo sa pagkakasangkot ni Ocampo ang mass murder.

Samantala, bagamat may hinanakit rin ang mga pamilya at kaanak ng mga biktima ng purging activities, umaasa ang mga ito na mapapanagot ang kongresista.
Lumutang ang may 24 pamilya ng mga biktima ng mass killings at iniaapela sa Korte Suprema ang paglilipat sa Leyte ni Ocampo upang makaharap sila at mapatunayan ang kinalaman nito sa mga krimen.

Buo ang paniniwala ng mga ito at may ebidensya na kabilang si Ocampo sa nag-utos bilang lider ng komunistang samahan sa pagpatay ng kanilang kamag-anak matapos na pagdudahang espiya ng gobyerno.

"Wala talagang magagawa, desisyon ng Korte. Maghihintay na lang kami kapag iniharap na ang taong yun," ayon kay Leonardo Tanaig, dating miyembro ng NPA.
Handa naman sila na humarap sa Supreme Court kung iaatas upang maihayag ang kanilang panig sa usapin. (Juley Reyes)

No comments: